Monday, March 12, 2007

Tara na sa Badland


Isipin mo to: Bakit me mga babaeng magsusuot ng mini skirt pero hila naman nang hila 'pag nakaupo sa loob jeep? Bakit me mga tao na gusto maging celeb, yun bang mga tao na gusto sumikat, pero ayaw mapag-usapan ang buhay. Bakit me mga tao na naghahanap ng trabaho pero pag me trabaho na ayaw nang pumasok? Bakit me mga tao na gusto mag-retire sa trabaho pero nabu-bore naman pag walang ginagawa? Bakit me mga tao na nagmamadaling makarating sa pupuntahan pero sa unahan lang ng jeep gusto sumakay? Bakit me mga lalaki na gusto makaiskor sa chick pero ayaw naman ng responsibilidad?

Bakit? Bakit? Bakit? At marami pang bakit. Wala naman sigurong sagot sa mga tanong na iyan. O kung me sagot man, ayaw mo na rin marinig o malaman. [Bakit ka nagtatanong, ayaw mo naman pala marinig ang sagot].

Anlabo, tol!


Tuesday, February 13, 2007

Kartun

Sa edad kong 32, hindi ko na-outgrow ang fascination sa mga pelikulang pambata. Lalo na yung mga kartun. Basta me action, basta me suntukan, basta me barilan, basta me swordfight, lalo na kapag nilabas na ni Voltes V yung laser sword tsaka hiniwa niya yung kalaban. Tapos tutugtug na yung: “Tanan-tan-tanan-tan-tan.....” In other words, mahilg ako sa mga bayolenteng cartoons. Pero kahapon, nabuksan ko sa youtube.com ang pelikulang Grave of the Fireflies. Dude, parang nagbago ang lahat.


Kartun ang Grave of the Fireflies. Pero inspiring at nakakatanggal ito ng galit sa mundo. Kung wala kang pera ngayon, kung meron kang kaaway, kung meron kang nakita na bagong sapastos pero hindi mo mabili, kung wala kang trabaho, kung marami kang ginagawa sa trabaho, kung wala kang syota, kung me asawa kang bungagera at two-timer, kung feeling horny ka, kung naiinis ka sa gobyerno, kung wala kang pakialam, kung relihiyoso ka, kung nagsasawa ka na sa mga telenovela, kung hindi ka makakakain ng lunch kapag walang Coke, kung sa tingin mo mas maganda at mas mayaman ang kapitbahay mo, at kung sa tingin mo wala ka nang pag-asa, para sa iyo ang pelikula na ito.


Simple lang ang animation ng pelikulang ito. Malayo sa ibang anime na napanood ko na tulad ng Appleseed at Samurai Champloo. Mula sa Studio Ghibli, gawa ito noong 1988 pa kaya medyo behind pagdating sa graphics. Pero hindi naman ibig sabihin nito pangit ang drowing. Sabihin nating, sapat na para tapusin mo ang pelikula, sapat na para i-convey ang message ng pelikula, at sapat na para hindi mo malimutan.


Ang totoo, habang sinusulat ko ito ngayon naririnig ko pa ang boses ni Setsuko, yung batang babae sa pelikula, sa tingin ko mga tatlo o apat na taong gulang siya. Cute ang boses niya, yung parang hindi ka magsasawa pakinggan, yung hindi ka maiinis kahit umiiyak. Meron siyang kapatid, ang binatilyong si Seita. Panahon ng giyera nun, takbuhan, bombahan, maraming namatay. Kasama sa mga namatay ang mga magulang ng magkapatid. Dito umikot ang kwento: sa kanilang pakikipaglaban sa buhay sa panahon ng digmaan, sa panahong kulang ang pagkain, sa panahong kulang ang pagmamahal sa kapwa.


Madali akong naka-relate sa kwento. Una, dahil kay Kyle, ang pamangkin ko na namatay sa edad na lima dahil sa lupus. Pangalawa, dahil kay Rio, ang anak ko na makulit pero super cute [kamuka ko]. Naisip ko kasi, kung mawawala ako mamaya habang papauwi ako—halimbawa nasagasaan ako—ano kaya ang mangyayari sa kanya? Hindi naman siguro siya magugutom dahil me trabaho si Gregg, ang misis ko. Pero alam mo natatakot ako. Natatakot at nalulungkot.


Akala ko nuon, libog ang kapatid ng takot. Mali, lungkot pala. Habang pinapanuod ko yung pelikula nuong isang araw, naisip ko 'pag sobrang lungkot, pwede mo kalimutan ang maraming bagay. Kasama na dun ang galit at sama ng loob. Pag nalulungkot ka para sa isang taong mamamatay sa gutom, maiisip mo kung gaano ka kasuwerte, maiisip mo na pwede ka naman palang mabuhay kahit hindi bago ang cellular phone o kahit na anong materyal na bagay, maiisip mo na pwede ka palang magsakripisyo.


Sa palagay ko, totoong nabuhay sina Setsuko at Seita noong panahon ng digmaan. At buhay pa rin sila hanggang ngayon. Pero dude, paulit-ulit silang mamamatay. Kung biktima man sila, biktima sila ng ano, biktima sila nino?



Thursday, February 8, 2007

Ooohlala

Ang maging bahagi ng staff ng Batibot. Ito sana ang pangarap ko nuong bata pa ko. Nagsimula ito nung nasa grade school ako, mga grade five, ganyan. Natatandaan ko, pang hapon pa ko nuon sa mababang paaralan ng Hen. Pio del Pilar kaya libre pa ko manood ng TV sa umaga. Nakita ko kasi parang ang saya ng ginagawa nila, parang ang dali maintindihan nang lahat, parang hindi uso yung sigawan kahit sa oras ng trabaho.


Sa unang tingin siyempre iisipin mo na ideal ang mga tao sa Batibot, kasi yun ang ipinapakita nila sa palabas. Ang sabi ko sa sarili ko: “Eto, eto ang gusto kong trabaho.” Hindi ko alam kung paano ko aabutin yung pangarap na yon, basta pumasok lang ako ng pumasok sa eskwela kahit na karamihan sa mga itinuturo e hindi pumapasok sa kukote ko. Nang matapos ako ng high school kumuha ako ng kursong Marketing.


Hindi ko naman talaga ito naiintindihan, kaya lang nung induction namin bago kami grumadweyt nung high school, ang sabi nung speaker: “Kahit anong trabaho ang gawin ninyo, isa lang ang motibo. Ang kumita ng pera.” Medyo mayabang ang pagkakasabi niya nito at tipong pinatatamaan niya ang naunang speaker na isang matandang titser na nagsabi na ang pagtuturo ang “noblest profession of all.”


Naisip ko siguro tama yung taga marketing. Pera ang importante sa trabaho. Pera, yun lang. Dun sa Centro Escolar, komersiyo ang kinuha ko. Major in Marketing. Masaya naman, yung nga lang hindi ko nakita ang sarili ko na nagtatrabaho sa isang bangko o kahit sang kumpanya hawak ang telepono kausap ang kliyente, o kaya naman pumipindot ng calculator sa harap ng isang financial report. Hindi ako yon.


Lumipat ako ng masscom, major in Broadcasting. Sabi ko sa sarili ko madali lang naman ang newscasting. Nagbabasa lang ng balita sa harapan ng kamera, o kaya sa loob ng booth. Napakadali. Hindi pala ganun yun. Ang daming complications pag masscom ang natapos mo. Andiyan ang palakasan, pagandahang lalaki, pagalingan sa ingles at kung anu-ano pa.


Ganunpaman, tinapos ko ang broadcast nang hindi bumagsak sa kahit anong subject. Ang siste, nang makaraos na ako sa kolehiyo, nagbago na ang original na pangarap ko. Hindi ko na priority ang Batibot. Napakaraming dahilan, ang una dito, wala nang Batibot. Puro replay na lang ang pinalalabas nila sa TV. Saan pa ako mag-aaplay?


Hindi ko unang trabaho ang copywriting, pero ito ang una kong pormal na trabaho pagkatapos ng college. Sa Bombo Radyo dun ako numagsak. Gumagawa ako ng copies para sa mga leaflets, company stickers, banners, newsletter, company magazine, annual report at kung anu-ano pa. Napakaraming ginagawa, sa sobrang dami lumipat ako ng kumpanya. Napunta ako sa Vicor, isang recording company. Nagsawa rin ako dito. Lumipat ako sa isang political firm, kay House Speaker Joe De Venecia, bilang newswriter. Dalawang taon mahigit ako dun. Kung hindi siya natalo sa presidential elections malamang hanggang ngayon sa kanya pa rin ako nagtatrabaho. Hindi ko na iisa-isahin ang mga napasukan ko, dahil magsasawa ka sa kababasa.


Sa ngayon mahigit labing apat na ang kumpanyang napasukan ko. Lahat sila nagsasabing: “Mabuti nga wala na si Marvin dito.”


Red at 10. Ito ang mga magazines na nagpakilala sa akin sa mundo ng pornograpiya. Actually, hindi raw pornographic ang mga magazines na ito. Sexy lang daw. Anu't anuman, dito ko nagsimula maging bastos. Mula sa pagiging associate editor, na-promote ako bilang editor-in-chief ng parehong magasin.


Maraming perks kung editor ka ng isang porn magasin. Halimbawa, kung meron bars na bubuksan, iimbitahan ka. Libre inom at kain. Yung magagandang modelo na gustong sumikat, lalapitan ka. Magpapakuha sila sa studio kasama ka, habang sila ay walang damit. Hindi ka matitikitan ng MMDA kahit me violation ka dahil meron kang press ID. Madalas libre ka sa mga sine, lalo na kung premiere night. Ka-rubbing elbows mo ang mga celebs na napapanood mo lang sa TV noon. Ilan lamang ito sa mga benepisyo sa trabaho ko nuon. Pero ang trabaho, trabaho pa rin. At para sa akin, ang trabaho, hindi mo pwedeng ilayo sa personal mong buhay. Hindi mo pwedeng sabihin na: “Trabaho lang.”[minsan ikukwento ko sa yo kung ano ang pasakit ko sa mga magazines na yan]


Nag-resign ako bilang editor sa RED at 10 matapos ang isang near-death experience. Bandang ala-una y media nuon ng umaga nang lumabas ako ng building. Papauwi na ko galing sa overtime. Lasing sa pagod, tumawid ako ng kalsada, tapos biglang ZOOM! Hindi ko namalayan meron palang rumaragasang trak na paparating. Maniwala ka, ga-pubic hair lang ang layo sa akin nung higanteng sasakyan na yon. Hindi imposibleng namatay ako nung oras na yon. At kung namatay nga ako nung oras na yon, san ako pupunta?


Sabi nila sa langit walang beer, pero OK lang, wag lang sa hell. Alam mo ba kung bakit puno ng wisdom ang mga matatanda? Kasi malapit na silang kunin ni Lord. Sa tingin ko ganun yon. Sabi nga dun sa pelikulang Gladiator, “A dying man finds purpose in his life.” Ganun yon, pag gumaling ka sa isang matinding sakit, naiisip mo baka me purpose si papa Jesus. Baka meron siyang gustong ipagawa sa yo.


Ako, pagkatapos ng insidenteng yon, naisip ko baka ayaw niya na magsulat ako para sa pornographic magazines kaya nag-resign ako—Lumipat ako ng trabaho at nagsulat sa mga websites. Pornographic websites. Masisisi ninyo ba ko? Sisihin ninyo ang Batibot.

Wednesday, February 7, 2007

Ang Krus ni Elena


Kung narinig ninyo na ang kwentong ito malamang napanood ninyo ito sa Magandang Gabi Bayan ilang taon na ang nakakaraan. Kung hindi pa, sana may mapulot kayo.


Ganito kasi iyon, minsan me isang janitress—na hindi ko matandaan ang pangalan kaya tatawagin natin siyang Elena—na nakapulot ng isang bag habang siya ay nagtatrabaho sa kumpanya na kanyang pinapasukan. Hulaan mo kung ano ang laman ng bag. Tama, limpak-limpak na salapi. Hindi mayaman itong si Elena. Maralita, gaya ng marami. Ang totoo, dahil sa hirap ng buhay, me mga araw na sumasala ang pamilya niya sa pagkain.


Pero walang panama ang kahirapan sa katapatan nitong si Elena. Hinanap niya ang may ari upang ibalik ang bag na puno ng pera. Sa laki ng halaga ng pera sa bag, napabalita ito sa TV, radyo at peryodiko. Tumanggap si Elena ng parangal mula sa kanyang boss. Binigyan din siya ng plake ng mga politikong gustong sumabit sa istorya. Sa madaling salita, maraming natanggap itong si Elena. Hindi naman siguro lahat, pero karamihan plake at palakpak lang. Walang masama. Ang sabi nga sa isang kwentong pambata, 'di hamak na mas mabigat ang papuri at pasasalamat kumpara sa ginto.


Ang problema, hindi ganito ang pananaw ng asawa ni Elena. Nang malaman nito na malaking pera ang ibinalik ng kanyang asawa, nagalit ito sa kanya. Mula nang mangyari yon, halos araw-araw kung ipamuka nito kay Elena kung gaano siya katanga. Dahil hindi raw nakakakain ang kahit anong parangal ng pobreng asawa. Hindi nagtagal at iniwan ng kanyang asawa si Elena.


Sa madilim na barung-barong minsan daw naririnig itong si Elena na umiiyak, dahil sadyang mahal niya ang kanyang asawa. Wala siyang pakialam kahit maliit lang ang kinikita nito sa pagku-construction. Ganunpaman, kailangan niyang ituloy ang buhay kasama ng kanyang dalawang anak na babae, na kapwa mga bata pa.


Sa trabaho, bagamat kilala na si Elena dahil sa kanyang katapatan, marami ang naiinggit sa kanya. Para bang hindi sila naniniwala na tunay ang kagandahang loob na ipinakita niya. Inulan si Elena ng mga kwentong mapanira, mga kwentong hindi totoo, mga kwentong nagtulak sa kanyang boss upang siya ay matanggal sa trabaho. Nakakagulat ano? Pero talagang ganon natanggal siya sa trabaho.


Hindi siya sumuko. Naghanap siya ng ibang mapapasukan. Isang araw, matapos umuwi galing sa maghapong pag-aaplay, nakita niya ang kanyang dalawang anak na umiiyak. Tinanong niya ang mga ito kung bakit. Ang sagot ng dalawa ginahasa sila. Halos maubos ang kanyang luha dahil sa galit at awa sa kanyang mga anak. Me magagawa ba siya? Wala siyang pera, hindi siya pakikinggan ninuman.


Nang sumunod na araw, naisip ni Elena na iwan muna ang dalawang anak sa simbahan habang wala pa siyang trabaho, habang naghahanap pa siya ng mapapasukan. Lumipas ang isang buwan, wala pa rin tumanggap sa kanya. Binalikan niya ang kanyang mga anak sa simbahan pero laking gulat niya nang hindi ibigay sa kanya ang mga ito. Ang sabi sa kanya ng pari: “Mas makakabuti kung dito muna sila, tutal wala ka pa naman trabaho.”


Me balita kasi sa kanilang lugar na nasisiraan na raw ng bait si Elena. Kung minsan nakikita raw siyang tinatawanan at kinakausap ang sarili. Lumuluha si Elena habang lumalakad palayo sa simbahan. Pagkatapos nun, matagal na nawala si Elena. Nang makita siya uli, isa na siyang taong grasa. Kung me pag-asa at pagmamahal dito sa mundo, sa palagay mo, makikita pa kaya yon ni Elena?

Tuesday, February 6, 2007

Si Luis Liwanag

Sa aking tantiya, mahigit isang dosenang trabaho na ang napasukan ko nang makilala ko si Luis Liwanag, isang photo jounalist. Nasa summit ako nuon, nagsusulat para sa Yes magazine, nang makatrabaho ko siya. Marami akong kilala na photo jounalists, pero sa dinami-dami nila si Luis lang ang bulag.


Huwag kang magtaka dahil isang mata lang ang hindi nakakakita kay Luis kaya posible pa rin ang pagkuha ng litrato. Nahihirapan ba siya? Medyo. Pagkatapos kasi nang ilang oras na shooting, nagiging kapansin pansin ang pagluha at pagpula ng mata ni Luis. Kung ganuon bakit niya ginagawa ito?


Dating illustrator sa Graphic Arts ang nasirang ama ni Luis. Sa pagkakaalam ko, isa siya sa mga nagdo-drowing sa Liwayway magasin nuong araw. Dito niya nakilala ang nanay ni Luis na isa namang accountant. Nasa dugo ni Luis ang pagiging artist, 'ika nga. Sa katunayan, illustrator siya bago naging photographer. “Tsaka sobrang idol ko ang daddy nuon, kaya pagdo-drowing din ang kinuha kong trabaho,” sabi pa nito.


Nagbago ang mundo niya nang malaman nilang me sakit ang daddy ni Luis, sakit na nakamamatay. Hindi ito natanggap ni Luis. Na-depressed siya at napabayaan ang sarili. Hindi niya namalayan na hooked siya sa marijuana. Halos kasabay nang pagkawala ng kanyang daddy, nawalan din si Luis ng trabaho. Nagkaroon ng diperensiya ang kanyang mga mata at hindi na maka-drowing pa uli. Nagpatingin siya sa duktor. Glaucoma ang sabi ng duktor.


Ganun siguro talaga ang tadhana, mapagbiro. Pero sa totoo lang hindi nakakatawa ang biro nito. Dalawang taon tumagal na walang raket si Luis. Sa panahong iyon umekstra-extra lang siya dun sa talyer malapit sa kanila. Habang tumatagal palabu nang palabo ang paningin niya na halos wala na siyang makita. Kahit gipit sa pera napilitang magpa opera sa Luis.


Luis Liwanag ang buo niyang pangalan. Hindi tulad ni Kidlat Tahimik, ang pangalang ito ay tunay at hindi gawa-gawa lamang. Kaya nang sumablay ang operasyon, masasabing ironic na ngayon ang pagkatao ni Luis. Mabuti pa ang pangalan niya me liwanag—ang mata niya wala. Isa sa mga mata ni Luis ay naapektuhan ng laser treatment at naging permanente na ang pagkabulag nito.


Kahit sadsad na halos, lumaban pa rin ang pobre. Kung hindi na siya makapagdu-drowing susubok siya sa ibang aspeto ng sining. Kumuha siya ng kamera at nire-invent ang sarili. Mula sa pagiging dibuhista nag-aral si Luis bilang photographer at di nga nagtagal nakapasok siya sa print uli.


Gusto ko sana maging comic itong kwento na ito dahil masayahin si Luis. Palabiro, laging me nakahandang joke sa bulsa. Pero hindi ko magawa. Kung minsan kahit alam mo na dapat maging matatag ka, mahirap gawin. Pero sige lang, nagsasawa rin ang problema.

Monday, January 29, 2007

intro

Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit ginawa ko itong blog na ito. Oo nga't nagsusulat ako para sa isang web design company, pero hindi ibig sabihin nun na magaling ako rito. Nagpapapansin lang siguro ako, o baka walang magawa. Anu't anuman, i-sye-share ko sa inyo ang samu't saring kwento na sa tingin ko ay entertaining. Siyempre hanggang dun lang muna ako sa entertaining. Hindi ko kasi alam kung may moral value ang mga susunod na sasabihin ko.

Ako si Marvin Sorrosa, ipinanganak ako nung March 28, 1974. Tulad nang marami, nangagarap maging mayaman, pero tulad rin nang marami, mukang mabibigo ako. Kung tutuusin, nasa kalahati na ako ng buhay na ito. Matapos ipanganak, nag-aral, nakatapos, nagtrabaho, nagpalipat-lipat ng kumpanya. Maraming babaeng nakilala, pero wala sa kanila ang nagkagusto sa akin, maliban kay Gregg. Parang lalaki ang pangalan, pero babae si Gregg. Classmate ko siya nung nag-masters ako. Mahabang kwento pero sa dulo kami rin. Pagkatapos naming ikasal, nagkasundo kami na tatapusin muna namin ang graduate school bago magka baby. Hindi nga kami nag-baby agad pero hindi rin namin natapos ang eskwela.

Ang plano sana, dalawang taon lang bago magkaroon ng anak, pero lumipas ang pangatlo at pang-apat wala pa rin. Sinuwerte nung panlima, lumabas si Rio. Parang babae ang pangalan, pero lalaki si Rio. Isang taon na siya ngayon at apat nabuwan.

Mula nung bata ako hanggang ngayon marami nang nagbago sa akin. Pero marami rin ang hindi. Mula nung nagkaisip ako hanggang ngayon, hindi ko na mabilang kung ilang ulit ko naranasan ang matakot, matuwa, maiyak, malibugan, mainip, mainis, mawalan nang pag-asa at lumaban.

Ang sabi ng lolo ko sa akin nuon: "Kung ano ang makakapagpatawa sa 'yo, yon din ang makakapagpatawa sa akin." Ang mga simpleng bagay na nagbibigay ligaya at sakit sa 'yo ay tulad rin ng mga simpleng bagay na nagbibigay ng ligaya at sakit sa akin. Halika, meron akong kwento. Natuwa ako rito, sigurado matutuwa ka rin.